Di ko alam paano sisimulan, masyado atang personal ang bagay na ito at di ko alam kung okay nga lang na i-share ko ito dito. Naisip ko lang naman sya kasi napanaginipan ko sya kagabi, isang bagay na di pangkaraniwan, kasi di naman sya isa sa mga taong matatawag ko na residente ng Dreamland ko, kumbaga siguro, isa lang syang dayuhan at napabisita lang sa Dreamland ko. Pero bakit nga ba bigla na lang nya ko binisita dun? Isa lang naisip ko, kasi malapit na sya magbakasyon dito sa Pinas, kasi mahina na ang lola nya. Sabi naman nung friend ko, kaya ko sya napanaginipan eh kasi malapit na ko magpakasal, something na parang tinetest daw ako if eto na talaga, na ready na talaga ko sa next level ng buhay ko. Kung yun man ang dahilan bakit sya nagparamdam sa dream ko, oh well, ang masasabi ko lang, ready na ko magpakasal sa fiancé ko, at ang sa aming dalawa eh matagal nang nabaon sa limot.
“I remember the boy, but I don’t remember the feelings anymore…”
Sabi nga ni Lea sa isa nyang kanta, ilang ulit ko bang kinanta sa sarili ko yan noon para matanggap sa sarili ko na wala naman talaga kami, na magkaibigan lang kami, magkababata. Pero habang pinipilit ko gawin yun noon, mas lalong mahirap paniwalaan.
Kaya nga hinayaan ko na lang ang panahon, ngumingiti kapag nakikita sya, tumatakbo kapag lalapit sya, nagtatago o hindi pumupunta kapag alam kong andun din sya. Pero alam ko di ko sya maiiwasan kasi kaibigan ko ang kapatid nya, at ayaw ko man at sa gusto, lagi akong dinadalaw ng kapatid at mga pinsan nya, at sa ayaw ko man at sa gusto, sya at sya pa rin ang susundo sa mga kapatid nya kapag gusto na nilang umuwi. Ang tagal ko atang nagsuot ng mascara, para mukhang okay ako kapag nakikita ko sya. Ewan ko ba ang tanga ko lang talaga siguro noon kasi napakabata ko pa. Kasi naman ilang beses syang nagpumilit na maging kaibigan ko pero pinagtabuyan ko lang, to the extent na inaway ko pa ang mga pinsan at tito nya para lang tantanan nila ako. Alam kaya nya na sya ang unang lalaki na nagpaiyak sa akin, hindi dahil huli na nang ma-realize ko na gusto ko din sya, kundi dahil sa sobrang kapikunan. Pikon na pikon ako kasi kahit saan ako lumingon, kahit saan magpunta, andun ang mga alipores nya na para bang pinagsisiksikan nila ang pangalan nya sa utak at puso ko (at sa bandang huli eh napagtagumpayan nila, di ko na nga sya makalimutan), na kahit anong taboy ko sa kanila, kahit anong away ang gawin ko sa kanila, dedma silang lahat, kaya wala na ko magawa kundi ang umiyak. Alam kaya nya na ang mga sulat na pinapadala nya eh sinusunog ko lang lahat, o di kaya eh diretso sa basurahan sa eskwelahan, kasama sa mga sinunog ko ang isa sa mga litrato na pinadala nya.
Hanggang ngayon, di ko alam ang sagot, at yun ang totoo.
Dumating ang araw na kolehiyala na ko, kinailangan ko nang lumuwas sa Maynila para mag-aral. Muntik nang maging pareho kami ng unibersidad, buti na lang hindi natuloy. Pero ang liit ng mundo, di ko man sya naging “schoolmate“, naging barkada naman sya ng best friends ko, ang ending, kapag bakasyon, makakasama ko sya. Nung kinuwento nila sa akin na barkada nila yun, sabi ko sa kanila, “kung kasama sya, ayoko na sumama sa lakad ng barkada.” Pero syempre, kasama ko sila sa loob ng 6 taon (nung mga panahon nay un), di naman biro yun, eh sya nakasama nila nang 2 taon lang, kaya di ko din sila kayang tiisin. Minsan isang fiesta sa barkada namin (ayaw ko man, isa na lang barkada namin), nagkita kami, matapos nang napakatagal na panahon, nagkita kami nang harapan, as in asa harap ko sya, nalaman ko, allergic pa din ako sa kanya, kasi diretso ko sa kwarto nang barkada ko. Kaso fiesta yun, ang KJ ko kung magkukulong lang ako sa kwarto nang dahil andun sya. Pumayag naman ako na maging barkada nila yun eh, bakit ako mag-iinarte, kaya lumabas na din ako. Nagpumilit sya na sabay kami umuwi, gumawa ako nang kwento na pupunta pa ako sa bahay ng best friend ko. Kaso etong best friend ko ang di nakisama, umuwi na daw ako, samahan ko sya kasi lasing baka lumagpas sa dapat uwian. Anong magagawa ko noon, iniwan ako nang best friend ko sa kanya, as in wala na ko magagawa kundi ang sumakay ng bus at umuwi kasama sya. At ayun na naman, ang kakulitan nya. Buong byahe ang kulit nya, dahil din siguro sa medyo madami ang nainom nya, pero buong byahe di ako nagsasalita. Tapos bigla na lang na sinabi nya, "dapat dun din ako nag-aaral eh, sana magkasama tayo. Sana naman kausapin mo na ako, gusto lang naman kita maging kaibigan eh.“ Ayun, natauhan ako, bakit ko nga ba pilit nilalagyan ng pader sa pagitan namin, eh naghahanap lang naman sya nang makakausap kapag bagsak ang buhay nya. Na sa lahat nga pala nang tao sa paligid namin, kami lang namang dalawa ang magkaedad, at para sa kanya, ako lang ang makakaunawa sa kanya kasi pareho kami ng generation. Mula nun pumayag na ko, tuwang tuwa sya, halos oras oras nang nagtext, ang tanga ko nga siguro noon, best friend lang pala ang hanap nya eh, pinagkait ko pa sa sobrang haba nang panahon.
Para sa kanya, best friend lang pala ako. Pero para sa akin, hindi na pala.
Kay Gatz (kaklase ko sa unibersidad) ko pa nakwento ito, sa dinami dami nang kaibigan ko mula high school, kay Gatz ko pa nakwento, isang tao na di ko alam, may tinatago din para sa akin, pero di na nagkaroon nang lakas nang loob, kasi nga, kinwento ko sya sa kanya. Ilang beses sya dumalaw sa unibersidad, nagpasama pa ako kay Gatz para lang makita sya, di pwedeng kami lang kasi ayaw na ayaw ng nanay ko na nakikipagkaibigan ako sa kanya, kasi mayabang daw. Ayaw din ng kapatid nya, sa dahilan na hindi ko alam, kaya kelangan andun si Gatz, para mukhang tropa lang talaga. Hanggang nagplano na ang pamilya nya na umalis ng bansa, malungkot ako, pero nangako sya na di mawawala ang komunikasyon. Umalis na nga sila, umalis din si Gatz.
Ang daming taon na ang nagdaan, natutuwa naman ako na naging matino na sya doon. Di nga nawala ang komunikasyon. Ako pa din ang kinukulit nya, at ako ang minumura kapag galit sya sa mundo. Ilang mura nga ba ang natanggap ko sa e-mail kasi may nanloko sa kanya na babae? Hanggang biglang naputol ang komunikasyon, nagkaroon ako ng SO, sya din. Nagtampo pa sya na di ko kinwento sa kanya, eh samantalang sya di din nagkwento, pero pinalipas namin ang tampuhan, balik sa dati, hanggang sa lokohin ako nung SO ko noon. Galit na galit sya, gustong umuwi o di kaya eh pa-resbakan sa mga barkada nyang lalaki, sabi ko, wag na, tapos na yun, hayaan mo na sya. Naiyak na naman ako nang dahil sa kanya, kahit malayo sya, ramdam ko ang pagmamahal nya sa kin bilang kaibigan, bilang kababata. At yun nga nag-asawa na sya. Syempre kelangan ko nang dumistansya, bawal nang ako ang mauunang mag-email kasi ayoko masira ang magandang simula ng friendship namin ng asawa nya. At kahit madami syang kaibigan at kamag-anak dito sa Pinas, sa akin pa nya pinagkatiwala ang asawa nya sa pagbabakasyon nito sa Pinas na hindi sya kasama. Theirs was a beautiful relationship. They travelled the world. They were really meant to be. Well, yun ang akala ko. At yun din ang akala nya. Mali kami, hindi pala…
Bagong bagyo sa buhay nya, wala kaming komunikasyon, wala na kasi sya sa poder ng pamilya nya, may sarili na syang buhay. Buti isang araw, naisipan nyang bumalik sa mundo ng internet, at magkwento. Bagong bagyo sa buhay nya na pilit nyang pinaglalabanan araw-araw, okay na daw sya, tanggap na daw nya. Pero ako hindi, kasi sa tuwing bagyo ang buhay nya, ang taas naman ng sikat ng araw sa buhay ko. Di ko makayang maging masaya nang buo, kasi alam ko, ang best friend ko may pinagdadaanan.
“Ikakasal na ako…”
“Di nga? F*k wag mo akong biruin nang ganyan!”
“Totoo, seryoso ako. Sa ating dalawa, seryoso naman ako lagi eh, kaw lang naman ang pala-biro.”
“Well, congrats! Imbitahin mo na lang ako pag nasa
“Oo naman, invite ka namin, at kung kaya ng sched, sasamahan ka namin sa Eurotour mo.”
"Masaya ko para sa ’yo.“
“Salamat. Kitakits na lang sa pag-uwi mo.”
“…….”
At pagkatapos nga ng ilang lingo, nawala na naman ang komunikasyon.
Kumusta ka na kaya? Narinig ko sa tito mo uuwi ka nga daw. Nakakatawa noh, kahit na may sarili na tayong mga buhay, yung mga taong nasa paligid natin, pilit pa din pinagkakabit ang pangalan natin,
Di man naging tayo, sa totoo lang, malaking bahagi ka ng buhay ko. Pero sana maibalik natin ang pagkakaibigan na nawala sa ating pagkakalayo. Kung di kaya kita pinagtabuyan o nilayuan nung mga bata pa tayo, nung mga panahon na uhugin ka pa, at lampa pa ako, asan kaya tayo ngayon? Sino ka kaya? At sino kaya ako? Pero lahat nang yan, mananatili na lang na tanong, kasi nakaraan na lahat nang yun, at eto na tayo. Magkaibang tao na nasa magkaibang bahagi ng mundo. Magkaibigan, magkababata, na ang tanging ala-ala nang pagkakaibigan ay ang mga panahon na nag-usap tayo sa text at email. At salamat sa bus ride na yun nagsimula ang lahat.
Bakit dalawa ang postings?
ReplyDeletebinura ko na yung isa... email posting kasi ginawa ko, tapos nag-error... di ko agad na-edit online...
ReplyDeleteok, baka kako nataranta ka lang dahil napuno ka ng emosyon sa iyong blog.
ReplyDelete