Monday, July 20, 2009

Para Kay Kuya

Hindi ko ramdam at di ko nakita ang paglakad mo patungong altar, busy kasi ako sa pagtatali ng singsing sa puso. Nangilid lang ang mga luha at nasabing “this is it na talaga” nang makita ko syang lumalakad palapit sa ‘yo. Panibagong kabanata na naman ng buhay mo, at meron na namang dapat haraping pagbabago, para sa ‘yo, at para sa amin.

Unang dating ko pa lang sa probinsya nun, immigrant ako kumbaga. Bawal daw kasi sa akin ang polusyon ng lungsod, nun ko din kayo unang nakilala. Nahihiya pa nga ako kasi bago lang ako, yun pala, mga pinsan ko kayo. Tuwang tuwa kayo kasi nadagdagan na kalaro nyo. Yun nga lang, madami akong di kayang gawin…

Pero di yun mahalaga sa ’yo. Ang dami mong alam na laro na pwede pala ako. Di iniinda ang init ng araw, takbo dito at takbo doon. Pag nadapa naman ako, takbo ka sa bahay at todo sumbong na nadapa ko. Iyak lang ako ng iyak sa sakit ng mertaylet na inilalagay sa sugat ko na ang tingin ko ay bituka ko na ang isinusuka palabas. Pero inaaliw mo pa din ako, at sinasabing malayo pa sa bituka ko yun, makakatakbo pa ko ulit, makakasama pa din ako sa pagpapalipad nyo ng papagayo sa parang, makakapaglaro pa din ng taguan, tumbang preso, patintero, pepsi-7up, langit-lupa, viva-viva, at kung anu-anu pa. At ang most memorable ay ang laro natin ng Shaider, ikaw si Shaider, ako si Annie kasi lagi akong nakapalda, sabay talon sa garden nyo, at ako syempre, instant dapa na naman, at sugat sa tuhod. Tapos, aakyat kayo ng puno ng mangga, sinuegwelas at kape, ako maiiwan sa baba kasi di ako marunong umakyat ng puno. At para di ko maramdaman na “left-out” ako, sasabihan mo si Princess na di para sa babae ang pag-akyat sa puno, kaya dalawa kami laging naiiwan para mamulot ng bunga na ihahagis nyo sa amin.

Tumakbo ang mga araw, at sabi nila, binata ka na. Di ko pa naiintindihan yun nun, tawa pa ko ng tawa kasi nakapalda ka. Sabi ko bakla ka na ata kasi nagpapalda ka na. Kaltok ang inabot ko sa ’yo sa pagsasabi nun. Malay ko ba, yun pala ang simula ng pagbibinata nyo. Mula nung araw na yun, nag-iba na ang mga laro nyo, di nyo na kami sinasali sa mga lakad nyo. Naging malawak na ang mundo mo, magkaiba na ang mundo natin. Pero di naman nagtagal yun, inabutan ko din ang mundo mo, matapos ang 5 taon, naiintindihan ko na ang mga pagbabago sa inyo. Sa mga panahong ito, mas madami ng kalokohan. Di na ko nasusugatan, pero napapagalitan pa din kasi mas makulit na ang trip nating lahat. Pero ilang taon lang, nagkaroon ako ng ibang kaibigan, ganun din kayo. Grupo ng mga babae, at kayong mga lalake magkakasama. Ganun pala talaga ang pagtanda.

Kahit na ganun, may mga masasayang ala-ala pa din. Dati, iniisip mo pa ang mararamdaman namin, pero ngayon, dedma na. Nandyang pitpitan mo ng isang dosenang siling labuyo ang sawsawan ng mangga. Kung di ba naman kadamutan yun. O di kaya ay kaining mag-isa ang mga bunga na inakyat mo sa puno sa itaas ng bubong. Ang tigas ng ulo mo talaga, pero masaya pa din mga panahon na yun. Tapos, pag bertdey mo, feeling natin mga gusgusing bata pa din tayo. San ka naka-attend ng party, children’s party man o hindi, na ang palaro eh taguan, langit-lupa at tumbang preso, ang kulit lang! tapos di ka pa nakakapaghilamos at may muta pa sa mata, asa bahay ka na, pa’no, umalis na lahat sa bahay nyo at walang itinirang pagkain para sa ‘yo. Kaya ang ending, namamahaw ka sa bahay sabay katay ng lata o di kaya ay kupit ng itlog na pula mula sa storage ng paninda nyo sa bahay. Okay lang yun kay Mama, kasi nung ako maliit pa, sa bahay nyo din ako pinapakain pag inaabot ako ng tanghalian dahil sa paglalaro, kaya quits lang. Pinakahuli atang kalokohan na pinagsamahan natin ay ang pagtakas papuntang private pool na ang tanging baon ay isang lanerang leche flan, pang-entrance fee at pamasahe. Ni di natin afford ang cottage, basta mahalaga, makapag-swimming lang. Tapos gabi na, di pa tayo umuuwi, sinundan na tayo, at ang buong akala eh mapapagalitan, pero ang saya natin nung dinalhan pa tayo ng pagkain. Pagkatapos nun, bumalik na ko sa lungsod, pero umuuwi pa din naman, yun nga lang, di na ganun kadalas at katagal ang paglagi ko sa probinsya.

Pero pag bakasyon naman, suporta kami sa ‘yo sa mga laro nyo ng basketball. Yun ang lagi naming inaabangan pag bakasyon. Nakakatuwa ka noon, ramdam na ramdam namin na kuya ka nga namin. Kahit na malupit ang kakaharapin nyo na team, protektado mo pa din kami. Bawal maligawan at bawal magpaligaw, yan ang number 1 rule mo sa min. At sa mahigpit na laban, dapat magkakasama kami at malapit lang sa bench nyo, para sakaling magkagulo, mapoprotektahan nyo kami. At pagkatapos ng laro, diretso sa sasakyan at diretso uwi. Bawal tumambay ng hanggang gabi kung asa ibang lugar, pero sa bahay nyo o sa amin, okay lang kahit hanggang madaling araw.

Madami ka ding kalokohan na pinagkatiwala mo sa amin, at number one sa listahan ang pagiging playboy mo. Ang hirap kaya ng ginawa namin na pagtatakip sa girlfriend mo habang kasama mo ang isa mo pang girlfriend. Ang tagal ka din naming kinunsinte sa mga kalokohan mo. Pero normal yun, pinsan kita eh, at lumaking parang magkapatid na.

Ngayon nga, ay binitiwan mo na ang mga salita ng pamamaalam sa pagkabinata. Nakakaiyak na nakakatuwa. Sa wakas, nagpatali ka na, panibagong yugto ng buhay na naman. At gaya nung nagsimula kang magbinata, di ka pumayag na di ko masasaksihan ang bahaging ito ng buhay mo. Ako din naman, ayokong mawala sa araw na ito. At masaya ako na masaya ka sa buhay na pinili mo. Nakakaiyak, kasi may mababago na naman. Ang bunga ng punong sinuegwelas, di na ako ang papapuntahin mo sa kanal para pulutin ang mga nilalaglag mo. Baka isang piraso na nga lang ang matitikman ko. Pero masaya pa din ako, kasi alam ko naman na kahit na may-asawa ka na, isa pa din ako sa mga bunsong kapatid mo.

Pero sa totoo lang, mamimiss kita at ang mga kalokohan mo, Kuya Panget…

-nene-

Thursday, July 16, 2009

Alive and Kicking

After months of being lost in the cyberspace, I decided to give back its life...

Reason?

Nothing, I just thought, "sayang ang mga naunang nasulat ko na..."

Though a lot of posts were deleted, at least I was able to save 101 of it...

And it's alive again... :)